May siyam na pamilya ng wika sa buong daigdig at kinabibilangan ito ng humigit-kumulang 3,000 pangunahing wika. Isa sa siyam na ito ay kinabibilangan ng wika sa Pilipinas. Ang ating wika ay nasasaklawan ng pamilyang Austronesian o Malayo-Polynesian na kinabibilangan ng mga kawikaan sa Timog Silangang Asya gaya ng Indonesia at Malaysia.
Sawaiori at Jahori, Mela-nesia, at Malay ay ang tatlong subpamilyang nasa ilalim ng pamilyang Malayo-Polynesian. Sa mga sub-pamilyang ito, ang ating wika ay napapaloob sa Malay bilang sangay na Tagala.
Itinuturing pangunahing wikang katutubo ang Tagalog, Ilocano, Pangasinan, Kapam-pangan, Bicol, Waray o Samar-Leyte, Cebuano, Hiligaynon o Ilongo, Maranaw, Tausug, at Maguindanao, batay sa dami ng populasyon o porsyento ng mga tao na gumagamit, nagasalita, nagsusulat, at nakakaunawa rito. Halos lahat ng mga wikang ito ay may kanya-kanyang dayalekto, gaya ng Tagalog (Tagalog-Rizal, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Batangas, Tagalog-Marinduque, Tagalog-Cavite, at iba pa. Gauyundin sa Cebuano, na kung saan ay may Cebuano-Cebu, Cebuano-Bohol, Cebuano-Surigao, at iba pa. Ang Hiligaynon naman ay mayroong Aklanon, Kiniray-a, Cuyunon, Palaweño, Ilongo, at iba pa. Ang Bicol ay mayroong Naga, Legaspi, Bato, Buhi, Catanduanes, Sorsogon, Masbateño, at iba pa. Samantala ang Ilocano naman ay may Ilocos, Abra, Cagayan, Samtoy, Ibanag, Bulubundukin, at iba pa.
Ang alif-ba-ta at abecedario
Bago pa dumating ang mga banyaga dito sa Pilipinas tulad ng mga Kastila, ang mga katutubong Pilipino ay may sarili ng alpabeto at sistema ng pagbabaybay na mas kilala sa tawag na “alibata” o alif-ba-ta sa Arabo. Ang matandang alpabeto ng mga katutubo ay syllabic at binubuo ng tatlong patinig (vowels) at labing-apat na katinig (consonants). Ang patinig ay mayroong a, e, at i, samantalang ang o at u naman ay may iisa lamang tunog na lubhang nakalilito. Bawat isa sa mga katinig ay binabasa na may kasama na patinig a, kapag ito ay walang marka sa itaas o sa ibaba na mas kilala sa tawag na “kudlit,” o isang uri ng marka na ginagamit sa mga matatandang sistema ng pagsusulat. Kapag ito naman ay may kudlit sa ibaba, ang patinig a, ay napapalitan ng patinig o o di kaya ay u. Ngunit kung ang kudlit naman ay nasa itaas, ang patinig ay nagiging e o i.
Nang sinakop ng mga Kastilang mananakop ang Pilipinas, pilit na binago ng mga ito ang kulturang pangkatutubo ng mga sinaunang Pilipino. Binura ng mga Espanyol ang mga paganong pag-uugali ng mga katutubo, kabilang na ang pag-iiba sa sistema ng pag-susulat, pagbasa at mga salita ng mga ito. Ipinakilala ng mga Kastila ang kanilang sariling bersyon ng alibata, ang abecedario o ang alpabetong Espanyol.
Nang dumating naman ang mga Amerikano sa Pilipinas, ipinatupad ang patakarang alinsunod sa ilang patakarang ipinatupad ng mga mananakop na Kastila. Ang mga ito ay ang pagyakap sa Kristyanismo at ang pagiging sibilisado ng mga pamayanan. Ipinalaganap ng mga Amerikano ang pam-publikong sistema ng edukasyon. Ginamit ang wikang Ingles bilang pangunahing instrumento sa pagtuturo kaya ang Hispanisasyon ng mga Kastila ay napalitan ng Amerikanisasyon.
Ang Surian ng Wikang Pambansa
Nang manungkulan si Manuel L. Quezon bilang Pangulo ng Komonwelt at si Sergio Osmeña bilang pangalawang Pangulo, binig-yan pansin ang isyung “nasyonalismo.” Naniniwala ang mga liderato ng bansa noon na dapat magkaroon ng isang pangkalahatang pambansang wika na siyang mahalaga sa pagtataguyod ng pangkabuuang unawaan at pagkikintal ng pambansang pagmamalaki ng sambayanan. Ayon sa Artikulo XIV, Sekyon 3 ng Konstitisyong 1935, ang magiging bagong wika ay ibabase sa mga kasalukyang katutubong wikang meron sa ating bansa.
Ang Unang Pambansang Asemblea noong ika-13 ng Nobyembre, 1937, ang siyang bumuo sa Institusyon ng Wikang Pambansa. Ang mga naging kasapi sa komiteng ito ay sina Jaime de Veyra (Hiligaynon), Santiago Fonacier (Ilocano), Casimiro Perfecto (Bicol), Felix Rodriguez (Samarnon), Felix Sotto (Cebuano), Cecilio Lopez (Tagalog), Hadji Butu (Maranao-Maguindanao), Isidro Abad (Cebuano), Zoilo Hilario (Pampango), Jose Zulueta (Pangasinan), at Lope K. Santos (Tagalog).
Nang binuo ang Commonwealth Constitution, ang wikang “Tagalog” ang siyang naging pambansang wika ng Pilipinas, ayon na rin sa Executive Order Bilang 134. Ang mga naging batayan nito ay ang: pagiging lingua franca nito, o paggamit ng Tagalog sa maraming sangay ng komersyo at kalakalan; ang dami ng katutubong nagsasalita nito, sa dahilang ang wikang ito ay ang pangunahing ginagamit sa lungsod ng Maynila gayundin sa mga kalapit probinsya nito, at; ang karamihan ng panitikang Pilipino ay nakasulat sa Tagalog. Ngunit dahil sa ilang pagtutol ng mga kinatawan ng iba’t-ibang bahagi ng bansa matapos ang tatlong taon, ang naturang konstitusyon ay hindi klinasipika ang wikang Tagalog bilang opisyal na wikang pambansa, ngunit bilang isang pormal na dayalekto ng ating bansa lamang.
Nang kinilala ang Philippine language based-Tagalog, isinulat ni Lope K. Santos ang Balarila ng Wikang Pambansa na siyang nagpakilala sa Abakada na may 20 letra, na kung saan ang letrang “a” lamang ang idinadagdag sa dulo ng bawat katinig para sa tunog nito.
Nung panahong din ito, umusbong ang mga salitang ginamit sa Balarila at ito ay ang mga: balarila (grammar), pandiwa (verb), pangngalan (noun), pang-uri (adjective), pang-abay (adverb), pangatnig (conjunction), patinig (vowel), katinig (consonant), panaguri (predicate), simuno (subject), pang-ukol (preposition), paningit (inclitic).
Samantala, nakasaad din sa Konstitusyon ng Komon-welt na ang wikang pambansa ay dapat na kumatawan sa lahat ng lalawigan ng bansa. Ibig sabihin, ito ay dapat na ginagamit sa halos lahat ng mga lalawigan. Hindi lamang iyan, ang naturang pambansang wika ay dapat may mga elemento ng iba’t-ibang dayalekto na siyang ginagamit ng iba’t-ibang lalawigan sa buong bansa.
Ang Tagalog bilang Pilipino
Bago naisagawa ang pangalawang konstitusyon noong dekada ‘70, higit na sa kalahati ng mga mamamayan ng bansa ang gumagamit na ng wikang Tagalog, kumpara noong nakaraang apat-napu’t taon na kung saan ay may halos dalawampu’t limang porsyento lamang ng mga Pilipino ang nagsasalita ng Tagalog. Isa sa mga kadahilanan ng paglaki ng bilang na ito ay nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigidig, ipinag-utos ng mga mananakop na Hapones na Tagalog ang wikang gamitin sa mga paaralan at maging sa mass media.
Dahil dito, ang mga “nationalists academics” ay nagkaisang magtulong-tulong upang magbigay daan tungo sa pagtatatag ng isang opisyal na pambansang wika, na siyang tatawaging “Pilipino”—na kung saan ay tanggap ng karamihan bilang ang wikang “Tagalog.”
Sa pamamagitan ng Department Memo no. 194 na inisyu ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, and Pampalakasan noong ika-30 ng Hulyo, 1976, ang 20 titik ng abakada ay nadagdagan ng labing-isang banyagang-hiram na titik. Ang naturang revised Filipino Alphabet na binubuo ng 31 na letra, ay kinabibilangan ng mga letrang banyaga tulad ng c, ch, f, j, ll, ñ, q, rr, v, x, at z. Ngunit dahil sa hindi naging malinaw ang paggamit sa mga letrang ito, ang naturang alpabeto ay dumaan uli sa panibagong pagsususog.
Noong mga panahong din iyon, isinagawa ang iba’t ibang paraan nang pagpapayaman ng pambansang wika. Pinilit ng mga dalubhasa na gawin itong maka-katutubo, na kung saan ang mga “salitang hiram” o mga salitang galing sa mga banyagang wika ay unti-unting tinanggal at pinapalitan ng katutubong salitang katumbas nito. Isang halimbawa ang salitang Espanyol na silya—na siyang pinalitan ng salitang “salumpuwit.” Ngunit sa kadahilanang ang mga salitang madalas na nating ginagamit ay hiram na halos sa mga banyagang salita tulad ng Ingles, Espanyol, Intsik, Hapon, at kung anu-ano pa, hindi na naging epektibo ang mga naturang hakbang ng mga nasyonalista sa larangan ng akademya.
Ang makabagong Filipino
Nang dumating ang kapanahunan ng panunungkulan ng dating Pangulong Corazon Aquino, ang naturang isyu ay binigyang pansin sa pag-sasagawa ng Konstitusyon ng 1987. Ang pambansang wika ng Pilipinas ay kinilala bilang Filipino at hindi na Pilipino. Ang pagpapalit ng wikang pambansa mula sa Pilipino tungo sa salitang “Filipino” ay nag-bibigay halaga sa mga salitang Ingles at Espanyol na naging bahagi na ng ating pansariling wika. Ang mga letra sa alpabetong Ingles na hindi lingid sa kaalaman ng bawat Pilipino, tulad ng f, j, c, x, and z, ay isinama na rin sa makabagong alpabetong Pilipino.
Ang Alpabetong Filipino ng 1987, ang siyang pinagbago at pinaghusay na Abakada at Alpabetong Filipino ng 1976. Ang naturang Filipino Alphabet ay binubuo ng 28 titk na kung saan ang pagbasa nito ay halintulad rin sa pagbasa ng alpabetong Ingles. Ito ang kasalukuyang ginagamit natin ngayon—na siyang nagpapayaman at nagpapalawig pa sa wikang Filipino.
Ang ebolusyon ng Pam-bansang Wika ng Pilipinas ay naging bahagi rin ng kurikulum ng iba’t ibang paaralan sa Pilipinas. Ang mga estudyante ng mga paaralan ay kinikilala ang salitang “Filipino” bilang ang wikang pambansa, at ang “Tagalog” bilang isang uri ng katutubong salita o dayalekto. Hindi lamang mga asigna-turang Filipino ang meron sa kurikulum ng mga paaralan sa Pilipinas, nariyan rin ang mga asignaturang Ingles at iba pang klase ng aralin na siyang nagtuturo rin ng iba’t-ibang lenguwahe ng iba’t ibang bansa. Sa ibang dako naman ng daigdig, tulad ng Amerika, ang mga Philippine Schools ay mayroon ding mga klase sa Filipino na siya namang nagtuturo sa kanila ng sarili nating wikang pambansa.
Imperyalismong Tagalog
Kahit na dumaan na sa maraming salin o pagbabago ang tawag sa wikang pambansa—mula sa Tagalog, na naging Pilipino (na base pa rin sa Tagalog ), na ngayon ay Filipino na—marami pa rin ang nasanay na sa pagtawag ng Tagalog bilang pambansang wika, mapabanyaga man o katutubong Pilipino. Ang kaisipang ito ay tinawag ni Prof. Leopoldo Yabes na “Tagalog Imperialism.”
Ang pangyayaring ito ay ikinasama rin ng loob ng ilan nating kababayan na di-Tagalog. Sa tingin nila, hindi nabibigyan ng pansin ang ilan pang malalawak na gamiting wika tulad ng Ilokano at Cebuano. Nagbigay daan din ito sa pagpapalit ng mga konsepto ng wikang pambansa.
Sa ibang bansa, napansin ninyo ba na mas kilala ang salitang “Tagalog” kaysa sa Filipino bilang pangunahing wikang pambansa ng Pilipinas? Ang salitang Filipino para sa mga banyaga, ay isa lamang klase ng pang-uri. Ngunit ang ganitong pagkakakilanlan nila sa salitang Filipino ay hindi nagbibigay ng malaking pagkakaiba sa salitang Pilipino at Tagalog—gaya ng pagkakakilanlan ng mga Amerikano at maging ng mga Canadian.
Pilipino o Filipino?
Ngayon, malinaw na ba sa isipan ng lahat ang pinagkaiba ng salitang Filipino sa Pilipino? Para sa mga naguguluhan pa, ang wikang Filipino ay tinaguriang “Tagalog-plus” na kung saan ito ay binubuo ng iba’t-ibang banyagang salita maliban sa Tagalog. Ito rin ang nagbibigay lawak sa ideya ng makabagong diksyunaryong Filipino, na kung saan ang salitang Ingles na Dictionary at Espanyol na Diccionario ay maaari na ring gamitin sa wikang Filipino bilang “diksyunaryo.” Ngunit para sa mga malamim managalog o mas kilala sa tawag na “purist,” ang salitang dictionary ay ang “talatinigan.” Ilan pa sa mga halimbawa nito ay ang kompyuter, kwalipikasyon, okasyon, indibidwal, sipilis, at iba pa na galing sa mga salitang Ingles tulad ng computer, qualification, occasion, individual, at syphilis.
Ngunit para sa mga eksperto, mas maiging tawaging “Filipino” at hindi “Tagalog” ang sarili nating wika. Ito ay upang magbigay galang o konside-rasyon sa mga kababayan nating hindi ginagamit ang wikang Tagalog bilang kanilang pangunahing salita.
Ang hinaharap ng wikang Filipino
Sa kasalukuyan, masasabi pa ring dapat ituloy ang paglinang sa wikang Filipino at nararapat lamang na ito ay lubusan pa ring pagyamanin. Isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng ating wika sa kasalukuyang panahon ay ang pagiging intelektwa-lisado nito. Pinaniniwalaan na ilang dekada pa ng masin-sinang pag-aaral at pagpa-patupad ang kinakailangan para maisakatuparan ang adhikaing ito. Kailangan munang maisalin sa Filipino ang lahat ng kaalaman at mga konsepto na pinag-aaralan ng mga Pilipino mula elementarya hanggang kolehiyo. Sa ngayon, hindi makakatapos ng pag-aaral ang isang Pilipino na wikang Filipino pa lamang ang kayang salitain sapagka’t maraming termino sa agham, matematika, algebra, medisina, trigonometri, at pisika ang wala pa ring katumbas o “counter-part” sa Filipino. Isa pa, ang mga kaalamang ito ay hindi rin nagmula sa sarili nating bayan kaya karamihan ng mga aklat, ensayklopedia, at mga diksyunaryo na ginagamit natin ngayon sa pag-aaral ay nakalimbag sa wikang Ingles. Panitikan pa lamang ang aspeto ng wikang Filipino ang intelektwalisado sa ngayon.
Ito ang dilemma ng pagiging intelektwalisado ng wikang Filipino: Kailangang palitan ng Filipino ang wikang Ingles bilang pinakagamiting wika sa ating bansa; ngunit para mangyari ito, kailangan munang maging intelektwalisado ang wikang Filipino.
Quezon: Ama ng Wikang Pambansa, Letranista |
Si Manuel Luis Quezon ay isinilang noong ika-19 ng Agosto, taong 1978 sa Baler, Tayabas (ngayo’y Quezon). Siya ay anak ng mag-asawang Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, dalawa sa pinakapipitangang mamamayan sa kanilang lugar. Sa edad na lima, si Manuel ay tinuruan ng kanyang inang magbasa at magsulat sa wikang Espanyol at tinuruan din siya ng huli ng katekismo. Sa edad namang pito, nag-aral naman siya ng relihiyong Katolika sa pangunguna ni P. Teodoro Fernandez. Kabilang din sa mga pinag aralan niya na kasama ang pari ay ang mga asignaturang Latin at Heograpiya. Mula pagkabata ay kinakitaan na ng potensiyal si Manuel na maging isang mabisang pinuno ng mga tauhang naniniwala at nagtitiwala sa kanya. Siya ay isang batang may tiwala sa sarili, interes sa pagkatuto, at handang magbigay tulong sa kapwa. Ngunit kabila ng mga ito ay hindi nawawala ang kanyang pagiging masiyahin. Si Manuel ay may ng tamang pag-uugali na sinamahan din ng di matatawarang kakisigan. Matapos makakuha ng sapat na kaalaman mula sa kanyang mga magulang at ilang guro, si Manuel ay nagpunta sa Maynila upang mag-aral. Labing-isang taong gulang siya noon nang siya ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran kung saan siya’y nabigyan ng parangal sa Batselor ng Sining noong 1894. Itinuloy niya ang pag-aaral ng Batas sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit bago pa man matapos ng Jurisprudence si Quezon, sumabog ang rebolusyon. Siya ay sumapi sa pwersa nina Heneral Emilio Aguinaldo at nakipagdigmaan sa Tarlac, Pampanga, at Bataan. Dahil na rin sa ipinamalas na katapangan at kagitingan, itinaas ang kanyang rango mula sa pagiging Ikalawang Tinyente sa pagiging Kapitan at nang lumaon ay naging Major. Pagkatapos ng rebolusyon, bumalik si Quezon sa Santo Tomas at itinuloy ang kanyang pag-aaral at nakakuha ng ikaapat na pinakamataas na marka sa Bar noong 1903. Si Quezon ay nagtrabaho bilang klerk at nang lumaon ay naatasang maging Piskal sa bayan ng Mindoro at Tayabas. Siya ay nanalo bilang konsehal sa Tayabas at nang tumakbong Gobernador ay nanalo noong 1906. Isang taon ang lumipas at siya’y nahalal bilang Majority Floor Leader ng Unang Asemblea ng Pilipinas at naging Chairman ng Committee on Appropriations. Mula 1909 hanggang 1916, siya ay nag-silbing Komisyoner ng Pilipinas para sa U.S House of Representatives. Si Quezon ay naging Senador noong 1916 at naging pangulo ng Senado hanggang 1935. Nang taon ding iyon ay nanalo si Manuel Quezon bilang Pangulo ng Pilipinas laban kina Emilio Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay. Matapos ang pananakop ng mga Hapones sa bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumipad patungong Amerika si Quezon. Siya ay dinapuan ng sakit na tuberkulosis at pumanaw noong ika-1 ng Agosto, taong 1944 sa Saranak Lake, New York. Bilang pagkilala sa pumanaw na Pangulo, inilibing siya sa Arlington National Cemetery kung saan tanging mga bayani lang ang nakahimlay. Matapos ang dalawang taon, dinala sa Pilipinas ang kanyang mga labi at inilibing sa Manila North Cemetery at inilipat namang muli sa Quezon Memorial Circle. Si Quezon ay naikasal sa kanyang pinsan na si Aurora Aragon at nagbunga ng apat na anak na sina Maria Aurora, Maria Zeneida, Luisa Corazon Paz at Manuel Jr. |
No comments:
Post a Comment